SARIAYA, Quezon - Lumutang ang apat na biktima ng pangongotong at nagsampa ng large-scale estafa sa pulisya laban sa isang pekeng kawani ng Department of Justice (DOJ), na nangakong ilalabas sa kulungan ang mga kaanak na nahaharap sa drug case sa nabanggit na bayan, nitong Miyekules ng umaga.
Ang suspek na si John Ezekiel Trevor Panaligan, 35, at taga-Bgy. Tumbaga 1, ng naturang bayan, ay nauna nang naaresto sa ikinasang entrapment operation noong Mayo 4, 2021.
Isinagawa ang pagdakip batay sa reklamo ni May Bautista, isang online seller, na kinokotongan ng suspek dahil ang huli ay nasa PDEA drug watchlist.
Nangako umano ang suspek na kaya nitong alisin ang pangalan nito sa listahan dahil isa umano itong abogado ng DOJ.
Dahil sa pagkaka-aresto sa suspek, sumugod ang apat pang biktima ng una na kinilalang sina Adora Ilagan, 52; Jeara Gagalac, 27;Jennifer Dando, 45, atLorna Rasay, 34 , pawang taga-Bgy. Sampaloc 2, ng nasabi ring bayan at nagsampa ng kasong large-scale estafa.
Sa reklamo ng mga biktima, nakatagpo nila ang suspek na nagpakilalang kawani ng DOJ-Field Office, nitong nakaraang Abril.
Pinangakuan umano sila na ilalabas nito ang kanilang mga kaanak na nasa kulungan kapalit ng kabuuang halaga na P115,000.
Anila, matapos ang naturang transaksyon ay wala na silang impormasyon sa suspek hanggang nabalitaan na lamang nila na naaresto ito.
Danny Estacio