Pinasok sa loob ng bahay saka malapitang binaril sa ulo ng salarin ang isang ina habang nagdiriwang ng Mother's Day sa Quezon City, base sa naantalang ulat kahapon.

Agad binawian ng buhay sa tama ng bala sa ulo ang biktima na kinilalang si Carlota Panugan Macatangay, 41, walang trabaho at nangungupahan sa No. 45 Sito Militar, Barangay Bahay Toro, Quezon City.

Sa paunang imbestigasyon ni PSSg Julius P Raz ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 5:30 ng hapon nitong May 9, nang maganap ang pamamaril sa ikalawang palapag ng tahanan ng biktima.

Sa pahayag ng kapitbahay na si Ailah Arellano, nagkataon aniya na nagtungo siya sa bahay ng biktima upang maningil ng pautang, pero tumambad dito ang duguang katawan ni Matangay.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Agad namang iniulat sa barangay ang pangyayari bago sa pulisya.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala ng 'di pa batid na kalibre ng baril.

Ayon sa mister ng biktima, wala umano siyang nalalaman na nakaaway ng kanyang misis.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng krimen.