Binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga doktor laban sa ‘off-label prescription’ o pagrereseta ng ivermectin sa kanilang mga pasyente, bilang panlunas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Idinahilan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang inilabas na certificate of product registration (CPR) ng Food and Drug Administration (FDA) sa Ivermectin ay bilang anti-nematode drug lamang at hindi gamot sa virus.
Babala niya, maaaring managot ang isang doktor kung irereseta niya ang Ivermectin sa kanyang pasyente kontra COVID-19.
Nauna rito, kinumpirma ni FDA Director General Eric Domingo nitong Biyernes ng hapon na binigyan na nila ng CPR ang Lloyd Laboratories para sa paggawa at pagbebenta ng human-grade ivermectin ngunit bilang anti-nematode drug lamang.
Ang nematode ay isang uri umano ng parasitic worm.
“Kung sakaling gagamitin ‘yang Ivermectin ng ibang mga doktor [for other purposes], it’s going to be an off-label use and ang accountability and liability will be resting upon the physician who has prescribed this.”
Matatandaang ilang government officials na nagsabing ginagamit nila ang ivermectin para sa treatment at prevention ng COVID-19.
Gayunman, tutol dito ang FDA at DOH dahil wala pa naman anilang sapat na patunay na nakakapatay ito ng virus at ginagamit lamang itong pamurga sa mga hayop.
Kamakailan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na magsagawa ng clinical trial sa Ivermectin upang mapatunayan kung maaari nga ba itong gamitin sa mga pasyente ng COVID-19.
Inaasahan naman na masisimulan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang naturang clinical trial sa pagtatapos ng buwang ito o unang bahagi ng Hunyo.
Mary Ann Santiago