Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng mahigit 18 sentimo kada kilowatt hour (kwh) na taas sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo.
Ito’y dahil natapos na ang refund sa over recovered charges at may kaunting pagtaas sa generation charge.
Sa isang paabiso, sinabi ng Meralco na tataas ang kanilang household rate ng P0.1853 kada kWh, kaya’t aabot na ang overall rate ngayong buwan sa P8.5920/kWh mula sa dating P8.4067/kWh noong Abril.
Ang naturang upward adjustment ay katumbas ng pagtaas na P37 sa total bill ng residential customer na nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan; P55 sa nakakakonsumo ng 300 kWh; P73 sa nakakakonsumo ng 400 kWh at P90 sa nakakagamit ng 500 kWh.
Sa kabila naman nito, sinabi ng Meralco na ang kanilang May overall rate ay mas mababa pa rin ng P0.1548/kWh kumpara sa rate noong nakaraang taon.
Mary Ann Santiago