Patay na ang isang seaman nang matagpuan sa loob ng isang hotel sa Paco, Maynila kung saan sumasailalim sa mandatory quarantine.
Kinilala ng pulisya ang overseas Filipino worker na si Marlon Regalado, 41, ng Philippine Transmarine Carriers Inc. at tubong Tanauan, Batangas.
Sa pagsisiyasat ni S/Sgt. Erikson Aguilar, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nadskubreng patay ang biktima sa loob ng kanyang tinutuluyang hotel, dakong 7:00 ng umaga.
Hahatiran sana umano ng almusal ni Audrey Felicilda, room attendant, si Regalado gayunman, bahagyang nakabukas umano ang silid nito kaya’t pumasok na siya.
Laking gulat naman umano ni Felicilda nang makitang hindi na kumikilos ang biktima, na nakasuot ng kulay itim na short at nakaupo pa sa gilid ng kama.
Sinabi ng mga awtoridad, isang nebulizer sa ibabaw ng kama ng biktima ang kanilang nadiskubre at wala namang nakitang indikasyon na may naganap na foul play sa insidente dahil maayos naman ang silid nito.
Nitong Abril 25 nang dumating sa bansa ang biktima mula sa Hong Kong at nag-check inn sa naturang hotel upang doon sumailalim sa mandatory quarantine bago tuluyang umuwi sa kanilang tahanan.
Nitong Mayo 2, lumabas na rin naman umano ang resulta ng isinagawang RT-PCR swab test sa biktima at negatibo naman ito sa COVID-19.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima noong Mayo 3 ng hapon habang ginagamit ang kanyang cellphone.
Inaalam pa ng pulisya ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.Mary Ann Santiago