ni DANNY ESTACIO
SARIAYA, Quezon- Arestado ang isang nagpakilalang abogado ng Department of Justice (DOJ), at isa pa nitong kasama, habang pinaghahanap pa ng pulisya ang babae na kakutsaba umano ng dalawa sa kasong robbery extortion na isinampa ng isang online seller sa bayang ito nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang naaresto na sina John Trevor Camaligan, 35, binata at Robin Arconado, 26, kapwa residente ng Brgy. Tumbaga 1, nang naturang bayan.
Patuloy naman ang paghahanap kay Michelle Delos Santos Obis, na kakutsaba umano ng dalawa.
Base sa reklamo ng 37-anyos na biktima, nasa bahay siya nang makatanggap ng text message kay Michelle, na nagsabing ang biktima ay nasa talaan ng PDEA at may standing warrant of arrest. Saka ipinayo na makipagtagpo sa kanya sa barangay Tumbaga 1.
Agad namang nagtungo ang biktima sa nasabing lugar at dito nakatagpo sina Camaligan at Michelle.
Nagpakilala umano si Camaligan na isang abogado sa DOJ at may kakayanan na alisin ang pangalan ng biktima sa PDEA watchlist, habang sinabi naman umano ni Michelle sa kanya naman may kailangang dokumento at humihingi ng perang panggastos.
Nagduda ang biktima kaya’t ipinasya nito na dumulog sa Sariaya PNP na nagsagawa balidasyon at entrapment operation na ibibigay ang halagang P15,600 na hinihingi ng mga suspek sa loob ng isang food chain dakong alas-3:05 ng hapon.
Nadakma ang dalawang suspek makaraang tanggapin ang marked money, habang nakatakas naman sakay ng isang kotse si Michelle.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.