ni MARY ANN SANTIAGO
Pinagkalooban na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang Moderna COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ang EUA mula sa FDA ang magpapahintulot upang magamit ang isang bakuna na under development pa sa isinasagawang vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19.
“After rigorous and thorough review by regulatory and medical experts using the currently available published and unpublished data, FDA is granting an emergency use authorization... for the COVID-19 vaccine Moderna,” ayon kay FDA Director General Eric Domingo, sa isang online press conference.
Nabatid na ang Pilipinas ay may inisyal na order na 200,000 COVID-19 jabs ng Moderna vaccine na inaasahang maidedeliber sa bansa sa susunod na buwan.
Umaasa naman ang national government na makakakuha pa ng may 20 milyong Moderna vaccine na hahatiin sa public at private inoculation programs.
Matatandaang target ng pamahalaan na makapagbakuna ng hanggang 70 milyong indibiduwal bago matapos ang kasalukuyang taon upang maabot ang herd immunity.
Gayunman, dahil sa limitadong suplay ng bakuna, hanggang nitong Abril 22 ay nasa 1.6 milyong doses pa lamang ang mga Pinoy na naturukan ng COVID-19 vaccine.