ni MARY ANN SANTIAGO

Ibinunyag ng Department of Health na may anim na biyahero mula sa India na dumating sa Pilipinas ang nagpositibo sa COVID-19, bago pa man makapagpatupad ng istriktong boarder restrictions ang pamahalaan.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may 110 biyahero mula sa India ang isinailalim nila sa COVID-19 testing at anim sa mga ito ang nagpositibo sa sakit.

Sa ngayon, aniya, ay isinumite na nila sa Philippine Genome Center (PGC) ang samples ng mga ito upang maisailalim sa genome sequencing upang matukoy kung anong variant ng COVID-19 ang naka-infect sa mga ito.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

“Anim turned out to be positive and it is now submitted to the Philippine Genome Center for whole genome sequencing,” ani Vergeire, sa isang online briefing. “Meron pong anim na hanggang ngayon ay nilo-locate pa rin natin.”

Matatandaang matapos ang surge ng COVID-19 cases sa India, na sinasabing dulot ng Indian variant, ay maraming bansa ang nagpatupad ng temporary ban sa mga biyahero na mula doon, kabilang na ang Pilipinas.

Abril 29 nang ipatupad ang ban at magtatapos ito sa Mayo 14.

Hindi naman sakop ng ban ang mga Pinoy na dumating o dumaan sa bansa bago ang nasabing mga petsa.

“That’s the hope, that we can prevent the entry of specific variants into the country,” ani Vergeire.

Kaugnay nito, nabatid na irerekomenda rin naman ng DOH na masuri sa COVID-19 ang mga incoming travelers, pito o walong araw matapos ang kanilang pagdating, upang matukoy ang mga positibong kaso.

“Kahit ano pa pong variant… kailangan lagi po tayong protektado so continue doing the minimum public health standards,” paalala pa ni Vergeire.

Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 1,075 kaso ng B.1.351 o South Africa variant, 948 kaso ng B.1.1.7 o UK variant, 157 kaso ng P.3 o Philippines variant, at dalawang kaso ng P.1 o Brazil variant.