ni BETH CAMIA
Bilang paggunita sa tagumpay ng Mactan sa pangunguna ng katapangan ni Lapu- Lapu, kinilala rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga medical frontliner na hindi alintana ang pagod sa araw-araw na pagsabak sa pandemya.
Ayon sa Pangulo, kung inaalaala man ngayon ang ipinamalas na tapang ng bayaning si Lapu-Lapu, dapat din naman sabi ng Chief Executive na sabay din alalahananin ang sinusuong na panganib ng mga health worker.
"Isinusugal nila ang kanilang buhay, para lang matiyak ang kaligtasan ng mga kapwa nila Filipino, sa gitna ng peligrong dulot ng COVID-19," pahayag ng Pangulo.
Kaya naman panawagan ng Pangulo sa publiko, humugot ng inspirasyon sa mga nagdaan at kasalukuyang bayani sa gitna ng ginagawang pakikibaka ngayon sa pandemya, hanggang sa muling makabangon ang bansa.
Umaasa ang Pangulo na maging makabuluhan ang paggunita sa naging tagumpay sa Mactan, sa pangunguna ng aniya ay kanyang idolo na si Lapu-Lapu.