ni MARY ANN SANTIAGO

Isang lalaki na binaril at napatay ng hindi kilalang salarin, habang nakatayo sa gilid ng kalsada sa Barangay San Jose, Antipolo City kamakalawa ng gabi, ang nakuhanan ng mga awtoridad ng hinihinalang shabu sa garter ng kanyang shorts.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Rommel Sus, nasa hustong gulang, at residente ng naturang lugar, ngunit idineklara na rin itong dead on arrival ng mga doktor dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakatakas ang salarin na inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan.

Probinsya

55-anyos na babae, patay sa suwag ng isang kalabaw sa Bacolod City

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong 8:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa M. Santos St., Bgy. San Jose.

Nakatayo sa gilid ng kalsada ang biktima nang bigla na lang itong pagbabarilin ng salarin, na mabilis ding tumakas.

Isinasailalim ng mga rescue volunteer ang biktima sa CPR nang madiskubre nila ang isang kahon ng posporo, na nakaipit sa garter ng shorts nito.

Nang busisiin, nadiskubreng hindi posporo ang laman ng kahon, kundi isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, nakarolyong foil, at P250 na cash.

Inaalam na ng mga awtoridad sa ngayon kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo ng pagpatay.