ni BERT DE GUZMAN
Si Vice Pres. Leni Robredo ay naka-self-quarantine ngayon matapos ang close-in-security niya ay nagpositibo sa COVID-19.
Sa Facebook post, sinabi ni VP Leni na uuwi sana siya sa Bicol para magbigay-galang sa yumaong kaibigan, pero tumanggap siya ng tawag (contract tracing call) na nagsasabing nagpositibo sa virus ang kanyang close-in-security. Ipinasiya niyang mag-self-quarantine.
Inamin ni Senate Pres. Vicente Sotto III noong Sabado na gumagamit siya ng Ivermectin bilang panlaban sa COVID-19. Mahigit na sa 15,000 Pilipino ang namatay dahil sa bagsik ng coronavirus. "Gumagamit ako nito minsan tuwing ika-2 linggo bilang prevention."
Kinondena ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang umano'y pag-iimbak (hoarding) ng limitadong COVID-19 vaccines at sinabing hindi ito makabubuti sa kabutihan ng taumbayan na kailangan ang bakuna.
Sa kanyang mensahe sa online special ministerial meeting ng United Nations Economic and Social Council (UN-ECOSOC) noong Biyernes, sinabi niyang ang pagho-hoard ng mga bakuna "at katulad na mga transgressions ay salungat sa solidaridad o pagkakaisa na narating ng mga bansa na nagsasaad sa kahalagahan ng nagkakaisang aksiyon."
Pinuri ni DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. ang Philippine Coast Guard (PCG) sa seryosong pagpapatrulya nito sa West Philippine Sea (WPS). "Gumamit kayo ng regular vessels please, iron hulls, come well within the definition of a public vessel whose sinking trigger the mutual defense treaty clear as a crystal."
Ang tinutukoy rito ni Locsin ay ang PH-US Mutual Defense Treaty na nagsasaad na magtutulungan ang dalawang bansa kapag inatake ng ibang bansa. Sa isa pang tweet, sinabi ng Kalihim na ang pagpapalubog sa PCG vessel ay magiging gatilyo sa World War III sa ilalim ng mga termino ng tratado ng US at PH.
Sinabi ng mga eksperto sa kalusugan na hindi na kailangan pang kunin ang blood pressure, heart rate sa vaccination screening. Sa isang-pahinang magkasanib na pahayag ng Philippine Heart Association (PHA) at Philippine Society of Hypertension (PSH), sinasabing nagkakaroon umano ng "significant vaccination deferrals and delays" dahil sa pagtaas ng blood pressure.
Subalit ngayon, ayon sa PHA at PSH, ang pagkakaroon ng high blood pressure ay hindi nagresulta sa ano mang seryoso o life-threatening events na may kaugnayan sa COVID-19 vaccines. Anila, para malimitahan ang oras ng face-to-face na paghaharap at mapabilis ang bakunahan, binago nila ang kanilang mga rekomendasyon.
"Hindi na kailangang kunin pa ang vital signs, gaya ng tibok ng puso, blood pressure, bilis ng paghinga sa panahon ng screening maliban na lang kung ang binabakunahan ay nasa distress na nangangailangan pang magsagawa ng karagdagang ebaluwasyon," ayon sa PHA at PSH.
Sa personal na kalagayan, ako at ang ex-GF ko ay nakaraos na sa unang turok (jab) ng bakuna. Sabi ng mga eksperto, 70 porsiyento raw ng mortality ay tumatama sa mga senior na 70+ na kaya kapag nabakunahan ka na, meron ka nang unang linya ng depense (first line of defense) laban sa salot na itong napakabagsik ang lason!