ni Mary Ann Santiago

Tiniyak kahapon ng Department of Health (DOH) na nananatili pa ring epektibo sa pagtukoy ng COVID-19, ang RT-PCR test, na ikinukonsiderang gold standard sa COVID-19 testing.

Ang pagtiyak ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng ilang naglabasang concern na isang bagong variant ng COVID-19 na nakita sa France, ang umano’y hindi kayang ma-detect ng RT-PCR test.

Sa isang public press briefing, sinabi ni Vergeire na ang findings hinggil sa French COVID-19 variant ay sa napakaliit na populasyon lamang at pinabulaanan na ng mga eksperto mula sa mga mapagkakatiwalaang institusyon.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“Ang article na lumabas na ito napakaliit ng population na nakitaan nila na hindi na-detect apparently sa RT-PCR pero ito ay pinabulaanan ng experts coming from Johns Hopkins and Stanford at iba pang credible institution,” ayon pa kay Vergeire.

Dagdag pa niya, dapat na pag-aralan ng mga nasa field ng diagnostic testing, kung makakaapekto ba ito sa kung paano isinasagawa ang COVID-19 tests, sakaling mapatunayan ito.

Una nang sinabi ng mga French authorities noong kalagitnaan ng Marso na iniimbestigahan nila ang isang variant na natuklasan sa western Brittany region na lumilitaw na mahirap matukoy sa pamamagitan ng mga testing.

Hindi pa rin naman anila matukoy sa ngayon kung mas mapanganib ba o mas nakakahawa ang naturang bagong COVID-19 variant.

Hinikayat rin ng OCTA Research Group ang DOH na magpatupad ng mandatory quarantine period para sa mga Pinoy na bumabalik ng bansa upang matiyak na hindi makakapasok sa Pilipinas ang naturang French COVID-19 variant.