ni Fer Taboy
Naaresto at samsaman ng isang katerbang armas ang isang bomb expert ng Bangsamoro Islamic Freedom Figther (BIFF) ng mga tauhan ng militar sa North Cotabato, kahapon.
Nakilala ang suspek na si Taoki Payapat, alyas Kumander Alvin ng BIFF Karialan faction.
Ayon kay 602nd Brigade Commander Bregadier General Roberto Capulong, ni-raid ng Joint Task Force Central at pulisya ang tahanan ng suspek sa Sitio Pedtubo, Barangay Langayen, Pikit North Cotabato. Inaresto ang suspek batay sa Search Warrant na inisyu ni Judge Lily Laquindanum, Executive Judge ng 12th Judicial Region, Regional Trial Court, Branch 24 sa Midsayap, Cotabato.
Narekober sa loob ng kuta ni Payapat ang isang M16 Armalite rifle, isang M14,1 M1 Garand rifle, dalawang 12 guage shotgun, isang kalibre.45 na pistola, isang .38 revolver, granada, Barret Sniper rifle, 2 IED, apat na motorsiklo, mga bala at mga magazine.
Ang suspek ay sangkot sa iba’t ibang kaso ng pambobomba, multiple murder, multiple frustrated murder, robbery, arson, extortion, carnapping, kidnapping at land grabbing.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya at militar ang mga kasamahan ni Payapat na nagkukuta sa hangganan ng Pikit Cotabato at Maguindanao.