ni Liezle Basa Inigo
Arestado sa raid ang ilang opisyales ng bayan, mga guro, at senior citizen matapos salakayin ng mga operatiba ng Provincial Intel Unit (PIU) ng Cagayan Police Provincial Office at Solana Police Station ang isang pasugalan sa Barangay Andarayan South, Solana, Cagayan.
Base sa ulat kahapon ang mga nadakip ay may katungkulan sa gobyerno ng pamahalaan ng Solana na nagsusugal dito.
Kinilala ang mga nadakip sa pasugalan na sina, Narcisso Taquiqui, 80 taong gulang at kasalukuyang Municipal Administrator ng LGU Solana; Kagawad Pablo Addun, 52; Estela Maria Balinuyus, guro at may-ari ng bahay kung saan nahuli ang mga nagsusugal, at kapwa guro nitong si Elena Soriano, 52.
Nahuli rin sa pasugalan sina, Cirilo Beran, 44; Michael Soriano, 57; Eduardo Mallillin, 63; Guillermo Baccay, 72; at Joey Maestre, 40.
Isinagawa ang raid matapos ang sumbong ng ilang residente sa itinurong bahay ng gurong si Balinuyus.
Nasamsam sa raid ang limang set sa barahang ginamit sa larong tong-its, perang nagkakahalaga ng P1,320.
Ayon sa report ang siyam na suspek ay maharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling.