ni Bella Gamotea
Aabot sa 900 senior citizens ang inasahang mababakunahan ng AstraZeneca vaccines kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa tatlong vaccination sites ng Las Piñas City, kahapon ng umaga.
Ayon sa Las Piñas City Health Office (LPCHO), isinagawa ang pagtuturok ng bakuna para sa mga senior citizen o nakatatanda na may edad 60 taong gulang pataas sa magkakahiwalay na vaccination site sa Verdant Subdivision Covered Court sa Barangay Pamplona Tres; Bamboosetum Covered Court at TS Cruz Subdivision Covered Court sa Barangay Almanza Dos.
Nasa 300 senior citizen ang target na mabakunahan sa kada vaccination site kahapon na layuning mabigyan sila ng proteksiyon sa sakit.
Ang senior citizen ay ikalawa sa prayoridad na listahan na mabibigyan ng libreng bakuna kontra COVID-19 ayon sa Interim National Immunization Technical Advisory Group (INITAG) at susundan naman ito nga pagtuturok ng bakuna sa mga taong may kondisyong medical o commorbidity.
Tinatayang 90,000 senior citizen ang nais na mabakunahan kontra COVID-19 ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Las Piñas sa ilalim ng kanyang vaccination program na may temang ‘Ligtas na Las Pinero, Lahat Bakunado.’
Samantala,nagpapatuloy pa rin ang pagtuturok ng bakuna ng Sinovac at AstraZeneca para sa mga medical frontliners ng Las Piñas City Government kabilang na ang mga personnel ng Temporary Treatment and Management Facilities na Ligtas 1 at Ligtas 2, sa mga vaccination site sa University of Perpetual Help System Dalta (UPSDH) Gymnasium sa Bgy. Pamplona Tres at sa Las Piñas Doctors Hospital (LPDH).