Ni GABRIELA BARON
Kinagigiliwan ngayon ng netizens ang isang pari dahil sa paggamit sa social media upang maipalaganap ang Salita ng Diyos.
Nakilala ang nasabing alagad ng simbahan si Father Fiel Pareja na kasalukuyang nagsisilbi bilang Parochial Vicar ng Immaculate Conception Parish sa Balibago, Angeles City, Pampanga.
Mula nang ipagbawal ng pamahalaan ang pagdaraos ng pisikal na pagsisimba, nakaisip si Pareja ng ibang paraan upang mapalapit ang mga tao sa Diyos.
“I was hoping that I would discharge my ministry as a priest with people physically, face-to-face; celebrating Holy Mass, and administering the sacraments ‘physically’ with them. To my surprise, it didn’t happen. God led me to do my priestly ministry with the faithful in a different way and setting which I didn’t imagine at first,” sabi nito.
Ibinahagi rin ni Pareja na mismong ang pamangkin ang nagturo sa kanya sa paggamit ng TikTok.
“I was hesitant, having in mind baka magulat sila nagti-Tiktok ang pari,” sabi nito.
Unang nag-upload si Pareja ng kanyang TikTok video noong nakaraang Mayo kung saan nag-trending ang kanyang “Wipe it down” challenge. Nakakuha ito ng 28,000 views.
Sa ngayon, aabot na sa 1.3 milyon ang followers ni Pareja sa TikTok.