ni Bella Gamotea
Kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Col. Gabriel Chaclag na namatay na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez habang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Col. Chaclag, isasailalim pa rin nila sa awtopsiya ang labi ng nasabing high profile inmate.
Si Sanchez ay dead on arrival sa NBP Hospital, dakong 8:30 ng umaga.
Paliwanag ng opisyal, huling nakitang buhay ang dating alkalde habang natutulog sa kanyang selda.
Paglilinaw ng opisyal, hindi naman nahirapang huminga o nagkaroon ng lagnat si Sanchez.
Noong Setyembre 2020, nagkaroon ng flu-like symptoms ang dating alkalde kaya naratay ito sa NBP Hospital hanggang sa hiniling nito na mailipat siya sa Philippine General Hospital (PGH) kung saan ito na-diagnose siya na mayroong “electrolyte imbalance secondary to acute gastroenteritis, chronic kidney disease, hypertension, at benign prostatic hypertrophy.”
Gayunman, nagnegatibo naman sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Sanchez. Noong 1993, pinatawan ng hukuman si Sanchez at mga tauhan nito ng pitong habambuhay na pagkakabilanggo nang mapatunayang nagkasala sa kasong panggagahasa at pagpatay kay University of the Philippines (UP)-Los Baños college student Eileen Sarmenta at sa pagpaslang sa kaibigan nitong si Allan Gomez.