ni Beth Camia at Fer Taboy
Hindi uubrang palusot ang paggamit ng second home address sa mga lugar na labas ng NCR Plus Bubble (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal) para makalusot sa checkpoints ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, kailangang matukoy dito kung alin ang second home sa primary residence.
“Oo’t maaaring ikatwiran na may tirahan ang isang indibidwal o pamilya sa probinsiyang hindi sakop ng bubble area kaya’t ang konsepto ng domicile and resident ang magiging basehan sa naturang argumento,” pahayag ni Roque.
At sa pagkakataong ito sabi ni Roque na bibigyang bigat ang pagiging residente lalo na’t ang mahigpit na binabantayan ay ang paglilimita sa galaw ng mga indibidwal sa kanilang nasasakupang lugar.
Kaya kung halimbawang pupunta ang isang pamilya sa Batangas na hindi saklaw ng bubble area, kailangang mapatunayan ng mga ito na ang kanilang permanent address ay Batangas bago sila mapahintulutang makapasok sa teritoryo ng naturang lalawigan.
Checkpoint inspection
Personal na pinangunahan nina PNP OIC Lt Gen. Guillermo Eleazar at JTF Covid Shield Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag ang inspection sa mga checkpoints partikular sa may boundary ng Apalit, Pampanga at Calumpit sa Bulacan boundary sa may McArthur Highway.
Ayon kay Eleazar hindi nila papayagan ang mga nasa loob ng GCQ Bubble ay
makakalabas at yung mga nasa labas ay hindi makapasok pwera na lamang na sila ay authorized persons outside of residence (APOR).
Sinabi ni Eleazar kaniya ng ipinag-utos sa mga unit commanders na bantayang ang mga perimeter at mga boundaries.
May mga itinayo ng quarantine control point ang PNP sa bundary ng Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija, boundary ng Rizal at Quezon, boundary ng Cavite at Batangas, Laguna at Batangas.
Dalawa ang itatalagang checkpoints ng PNP ang mga “ingress at egress” sa loob at labas ng boundary.
Binabantayan din ng PNP ang mga trail o ang mga lusutan para hindi makalusot ang mga lalabas at papasok ng NCR Plus Bubble areas.
Nilinaw naman ni Eleazar na sa loob ng NCR Plus hindi restricted ang movement ng mga tao at maging ang mga delivery services.
”By the way kung titingnan within the bubble or even outside the bubble eh kakaunti na lang yung ating mga unauthorized persons kaya nga basically ang mga tinitignan natin diyan is not the movement kung hindi mga unauthorized like matanda siya o masyadong bata or hindi nagsusuot ng mga protective gear na kailangan natin,” sabi pa ni Eleazar.
‘Wag nang maglakwatsa
Pinakikiusapan naman na ng Department of the Interior and Local Government ang mga residente sa National Capital Region at kalapit lalawigan na ipagpaliban ang kanilang biyahe sa ilang lugar sa bansa kung hindi naman importante.
Katwiran ng DILG makakatulong ito na mapigilan ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases .
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, lahat ng non-essential travel sa loob at labas ng Greater Metro Manila area o NCR Plus ay ipagbabawal at hindi papayagan sa airports, seaports, at checkpoints.
Bukod tanging mga authorized persons outside of residence o APORs, essential workers, front liners, humanitarian workers, at government workers ang exempted sa travel ban basta’t may maipakitang pruweba na may ginagampanang trabaho.