May 21, 2026

Home BALITA Metro

4 na kidnapper na nakipagratratan sa mga pulis, todas!—PNP

4 na kidnapper na nakipagratratan sa mga pulis, todas!—PNP
Photo courtesy: via PNP-AVG

Patay ang apat na hinihinalang sangkot sa isang kaso ng kidnapping matapos ang armadong engkuwentro sa mga awtoridad sa Parañaque City, ayon sa Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong Huwebes, Abril 16, 2026.

Kinumpirma ni AKG chief Police Brigadier General Glicerio Cansilao na nasawi ang lahat ng suspek.

“Opo, ang mga suspek po,” anang opisyal sa panayam ng media.

Dalawa sa mga napatay ay dating pulis na sinibak na sa serbisyo, habang isang suspek naman ang nakuhanan ng identification card ng National Bureau of Investigation (NBI). Ang isa pa ay sibilyan.

Ayon sa imbestigasyon, dinukot ang biktima na isang naturalized Filipino na may dugong Indian—noong Martes ng hapon, Abril 14 habang pauwi mula sa kaniyang opisina sa Parañaque patungong Makati City.

Metro

73-anyos, patay sa gitna ng paghihintay para makabili ng murang bigas

Naiulat ang insidente bandang 10:00 ng gabi matapos makatanggap ng sunod-sunod na tawag ang pamilya ng biktima mula sa mga suspek, na humihingi ng ransom na umabot sa ₱50 milyon. Kalaunan ay bumaba ito sa ₱10 milyon habang nagpapatuloy ang negosasyon.

Sa isinagawang rescue operation ng mga awtoridad kinagabihan ng Miyerkules, matagumpay na nailigtas ang biktima. 

Gayunman, nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng pulisya at mga suspek na sakay ng isang SUV, kung saan nagtamo ng mga tama ng bala ang mga ito at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Naapektuhan din ang paligid ng insidente, kabilang ang pagsasara ng ilang lane sa Macapagal Avenue, habang napilitan ang mga tao sa kalapit na establisimyento na dumapa upang makaiwas sa ligaw na bala.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang isa pang sasakyan na iniwang abandonado at pinaniniwalaang may kaugnayan sa krimen.

Samantala, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na ang mga suspek ay pinaniniwalaang kabilang sa natitirang aktibong miyembro ng isang kidnapping-for-ransom group na binubuo ng mga dating pulis. 

Target umano ng grupo ang mga dayuhan, partikular ang mga Indian national, bagama’t may naitala ring kaso na sangkot ang isang Chinese na negosyante noong mga nakaraang buwan.