PNA

INILUNSAD kamakailan ng Department of Tourism (DOT) ang pinakamalaking dive expo sa bansa sa gitna ng unti-unting pagbubukas ng dive tourism sa ilang destinasyon sa Pilipinas at sa abroad.

Layon ng virtual edition ng Philippine International Dive Expo (PHIDEX) ngayong taon na makapagbigay ng kaalaman at bumuo ng solusyon upang mapabilis ang pagbangon ng industriya para sa new normal.

“As the Philippines is known around the world for its diving destinations, it is truly important that we do everything we can to sustain the local diving industry,” pahayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

“This year’s PHIDEX is a step in the right direction to sustain our gains toward recovery, for all to enjoy the natural wonders our archipelago can provide,”dagdag pa niya.

Bahagi ng PHIDEX ngayong taon ang diskusyon at usapan kasama ang ilang eksperto sa usapin ng dagat, kabilang sina California Academy of Sciences Curator Dr. Terry Gosliner, French-British underwater photographer Henley Spiers, at Emmy Award-winning husband-and-wife documentary team Howard at Michele Hall, PADI Ambassador at PCSSD Commissioner Bo Mancao, University of the Philippines marine economist Tara Abrina, at German underwater photographer Tobias Friedrich, at iba pa. Ang website ng event na https://phidex.asia ang magsisilbing espasyo para sa mga divers at enthusiasts na makakuha ng karanasan at equipment mula sa mga partners at exhibitors.

Kilala ang Pilipinas para sa mga makapigil-hiningang dive spots sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Anilao sa Batangas; Panglao, Balicasag at Cabilao sa Bohol; Moalboal at Malapascua sa Cebu, Coron at Tubbataha sa Palawan, Dauin sa Negros Oriental; Sipalay sa Negros Occidental; Camiguin at Misamis Oriental; Davao; Donsol sa Sorsogon; at Ticao Island sa Masbate.

Bagamat patuloy na nakadapa ang industriya mula sa epekto ng pandemya, tiwala si

Tourism Undersecretary Benito Bengzon Jr. na makababawi ang dive tourism.

“I think one thing that we witnessed is that the pandemic has compelled many destinations to reboot or press the reset button and many of them are rethinking their development approaches with respect to tourism,” aniya sa isang balitaan.

“I think there’s a consensus that the destinations will go for the low impact, low density but high-value kind of tourism which is actually good for the Philippines because then we’ll be able to put a premium on our natural assets,” dagdag pa ng opisyal.

Buwan pa lamang ng Oktubre 2020, sinabi ni Romulo-Puyat na ilang dive shops na ang muling nakapagbukas sa Pilipinas, na kumpleto sa proper health at safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pagtanggap ng mga recreational divers.

“Since we’ve started slow but sure reopening of tourism destinations, [there had been] no outbreak of Covid because of tourism. Not because of tourism,” aniya.

Sa kabila nito, muli niyang ipinaalala ang panawagan ng pamahalaan sa publiko na manatiling “cautious” at mahigpit na sundin ang minimum health standards sa lahat ng oras.