ni Jhon Aldrin Casinas
Nangangamba ang isang grupo ng mga eksperto na umabot sa 10,000 kada araw ang panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 sa huling bahagi ng Marso, ayon sa isang independent research group.
MARK BALMORES
Sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na malaki ang posibilidad na mangyari ito kung tuluy-tuloy ang paglobo ng kaso ng virus sa mga susunod na mga araw.
Sa pagtaya ni David, maaari ring umabot hanggang 5,000 ang panibagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan.
“We’re likely going to see 5,000 cases in NCR alone by end of the month, and at least mga 10,000 cases sa buong Pilipinas by end of the month,” paglalahad ni David.
Sa Metro Manila aniya, may sukat na 1.95 ang average number of persons na maaaring mahawaan ng isang indibidwal na nagpositibo sa virus at 1.68 naman sa buong bansa.
“The reality is medyo kinukulangan na tayo sa oras kasi ‘yung projections natin ay 10,000 cases by the end of the month. Mukhang posible talaga aabutan ‘yun kung walang significant changes sa trend na mangyari,” sabi pa nito.
Nitong Marso 19, naitala ng Pilipinas ang 7,103, ang pinakamataas na bilang ng panibagong COVID-19 cases mula nang magsimula ang pandemya kaya aabot na sa 648,066 ang kabuuang nahawaan sa buong bansa.
Nangangamba rin si David na magkaroon ng public health crisis sa Pilipinas.
“We have a looming public health crisis kasi based sa mga projections natin, ‘yung hospitals baka mapuno sila in two weeks sa NCR and kung four weeks pa natin bago mapababa yung cases, even with interventions, magkakaroon tayo ng public health crisis,” pahayag nito.
Aniya, naabot na ng mga ospital sa Metro Manila ang bed capacity bunsod na rin ng biglang paglobo ng nahawaan kamakailan.