Namigay ang Department of Health (DOH) ng libreng face masks, vitamins, at mga gamot sa ubo at hika, sa Obando, Bulacan nitong Biyernes, Abril 17, bilang tulong sa mga residente kasunod ng kamakailang sunog sa isang lumang Navotas sanitary landfill.
Ayon kay DOH Sec. Ted Herbosa, pinababantayan na rin niya ang mga mamamayang apektado pa rin ng haze sa Navotas upang mas mapabuti ang kanilang kalusugan.
“Pinapa-check ko ang mga mamamayan na nandoon pa sa mga isla. Papakuhanan ko sila ng blood sample, ipapa-examine yung dugo nila kung mayroong mga sulfur at carbon dioxide, carbon monoxide sapagkat yung mga yun, unti-unting naiipon at tsaka lang maaapektuhan ang kalusugan. Hindi siya mabilis na nangyayari,” saad ni Herbosa.
Ibinahagi rin ni Obando Mayor Leonardo “Ding” Valeda na sa kasalukuyan, 126 pamilya o 351 na indibidwal na naninirahan malapit sa Navotas ang pansamantalang nananatili sa Obando National High School.
Samantala, ipinaalala rin ni Herbosa sa mga mamamayang naninirahan malapit sa landfill na huwag kalimutang magsuot ng N95 mask tuwing lalabas at kung kaya, agad nang lumikas upang maprotektahan ang kanilang kalusugan mula sa epekto ng haze.
Kasunod ito ng abisong inilabas ng DOH na ang haze, bilang maruming hangin na may halong maliliit na usok at alikabok mula sa sunog at abo ay maaaring magdulot ng mga sumusunod:
- Hirap sa paghinga
- Pag-ubo
- Pananakit ng dibdib
- Pagluluha ng mata
- Pangangati ng ilong
- Paglala ng kondisyon sa baga tulad ng asthma o hika
Matatandaang nasunog ang sanitary landfill noong Biyernes, Abril 10 ngunit naideklarang under control noong umaga ng Linggo, Abril 12.
Kaya agad na nagsagawa ng rapid on-site validation at aerial assessment ang Environmental Management Bureau - National Capital Region (EMB-NCR) upang matukoy ang mga apektadong lugar.
Katuwang nila dito ang mga awtoridad sa Region 3 para naman sa monitoring sa mga lugar na dinadala ng hangin ang polusyon.
MAKI-BALITA: Environmental Bureau, nagbabala sa hanging dala ng nasunog na landfill sa Navotas
KAUGNAY NA BALITA: Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO