Nagbigay ng paalala si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa publiko na hindi raw totoong kinalimutan na ng gobyerno ang usaping tungkol sa mga maaanomalyang flood control projects sa bansa.
Matatandaang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., mismo ang nagkumpirma sa publiko noong Huwebes, Abril 16, 2026, sa pagkakaaresto ng mga awtoridad ng Czech Republic kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Aniya, kasalukuyan nang nakakulong si Co sa Prague matapos umano itong tumawid sa Czech Republic nang wala umanong tamang dokumento.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM
Ayon naman sa isinagawang press briefing ni Castro sa RDC Hall of the Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Region VI (Western Visayas) sa Iloilo City nitong Biyernes, Abril 17, sinabi niyang bunga ng paninindigan ng Pangulong mapanagot ang mga sangkot sa nasabing anomalya.
“Nahuli na si Zaldy Co. Bunga ito ng matibay na paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na mapanagot at makulong ang sinomang sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Batay sa pinakahuling ulat, hinarang si Zaldy Co sa German border at ibinalik sa mga awtoridad sa Czech Republic kung saan siya nanggaling.”
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, 'di pinapasok ng Germany kaya natiklo ng Czech—PBBM
Diin ni Castro, nais daw niyang ipaalala sa publiko na hindi nalilimutan ng gobyerno ang usapin tungkol sa flood control projects anomalies.
“Nais lang po nating ipaalala sa mga nagsasabing kinalimutan na ang flood control scandal, hindi po ‘yan totoo,” pagtitiyak niya.
Pagpapatuloy niya, nananatili raw ang pagkilos ng gobyerno at susundin nito ang utos ng Pangulo na mapanagot ang lahat ng dapat managot sa nasabing anomalya.
“Ang pagkilos ng gobyerno, ang utos ng Pangulo, ay nananatili. Managot ang dapat na managot,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, 1-3 linggo bago makabalik sa Pinas—SILG Remulla