ni Mary Ann Santiago
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng 20 adverse events following immunization (AEFI) sa unang araw ng pag-arangkada ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan sa bansa nitong Lunes, gamit ang Sinovac vaccine na donasyon ng China.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga adverse events na kanilang naitala ay high blood pressure, pananakit ng injection site, pangangati, pagkakaroon ng rashes, pananakit ng ulo at nausea o pagduduwal.
Paglilinaw ni Vergeire, ang mga ito ay pawang pangkaraniwan at minor na adverse events lamang ng bakuna.
Wala rin aniya silang kinailangang dalhin sa pagamutan at matapos na obserbahan ay kaagad na ring pinauwi sa kanilang mga tahanan.
“All of them are common and all of them are minor adverse events,” ani Vergeire, sa isang virtual briefing. “Wala sa kanilang na-admit, lahat sila ay inobserbahan, na-manage, at after a while they were all sent home.”
Sinabi rin ni Vergeire na kuntento at masaya ang DOH sa kinalabasan ng unang araw ng vaccine rollout sa ilang pagamutan sa Metro Manila.
Aniya, nakita rin nila na mas marami nang healthcare workers ang nagboluntaryo at nais nang magpaturok ng Sinovac.
“Kumpara doon sa previous days na may mga lumalabas na talagang mataas ang hesitancy, we saw the support and we saw that healthcare workers voluntarily had themselves vaccinated,” ani Vergeire. “Bagamat ang mga numero natin ay hindi pa ganoon kataas, we are expecting and we are hoping that… we will see an increased uptake of this vaccine.”