ni Mary Ann Santiago

Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa anim rehiyon na sa bansa ang nakitaan ng UK COVID-19 variant.

Ayon sa DOH, ang mga sample na nakitang positibo sa umano’y mas nakahahawang UK variant ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Central Visayas, Northern Mindanao, at Davao Region.

Nilinaw ni DOH Secretary Francisco Duque III, kulang pa ito para makumpirmang may community transmission na ng UK variant sa bansa.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

“Walang malinaw na puwedeng sabihin o conclusion kung ano ba talaga ang epekto ng variants na ito sa pangkalahatang kaso ng COVID-19,” ani Duque.

Hindi pa rin aniya maaaring lubusang maiugnay sa variant ang pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang lungsod sa NCR.

Aniya, patuloy ang pagsusuri ng Philippine Genome Center (PGC) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) dito.

Matatandaang nito Linggo ay 18 bagong kaso ng UK variant ang naitala ng DOH sa Pilipinas. Sa mga bagong kaso, 13 ang returning overseas Filipino na dumating mula Enero 3 hanggang 27. Bukod dito, mayroon ring tatlong kaso na nakumpirmang may mutation na N501Y at E484K, na pawang mga taga-Central Visayas. Tiniyak naman ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire na naabisuhan na nila ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan na maging mas mahigpit sa pagpapatupad ng health protocols, kabilang ang pagsasagawa ng localized lockdowns.

Paglilinaw pa niya, ang mga naturang mutation na natukoy sa Visayas ay natukoy na rin sa variants sa ibang bansa, gaya ng UK variant, South African at Brazilian.

Aniya pa, hindi lahat ng mutation nito ay mapanganib.