Ni FER TABOY
Napatay ang isang umano’y miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah at isang kasamahang negosyante sa isang operasyon ng pulisya sa Polomolok, South Cotabato, kahapon ng madaling araw.
Ang dalawang suspek ay kinilala ni Maj. Rommel Hitalia, deputy chief ng Polomolok Municipal Police, na sina Roberto Chavez Suerte, 41, isang negosyante at Roy Cañete, umano’y kasapi ng nasabing terrorist group at kapwa taga-nasabing lugar.
Paliwanag ni Hitalia, isisilbi sana ng mga pulis ang search warrant sa bahay ng dalawa nang magkaroon ng putukan ng baril.
Depensa ng mga awtoridad, binaril sila ng dalawa kaya agad din silang nakipagbarilan na ikinamatay ng mga suspek.
Nasamsam Suerte ang isang Cal. 38 revolver at sachet na naglalaman umano ng shabu at nasamsam naman kay Cañete ang drug paraphernalias.
Katwiran naman ni Gloria Suerte, nakatuon lamang ang kanyang anak sa negosyong pagpaparenta ng mga sasakyan sa kumpanyang DOLE Philippines dahil marami umanong driver ang umaasa sa biktima.