Ni DANTE A. LAGANA
NAINIS, nainip, nanggigil at nabwisit ang ilang mga naging reaksyon ng mga tao at ng mga netizens sa kasagsagan ng highlight ng istorya last year ng panghapong teleserye ng GMA-7 ang Prima Donnas. Patunay lang na talagang pinapanood at tinututukan ng mga tao ang drama series. May mga ilang katanungan na nasagot sa pagpapatuloy ng teleserye.
Sa new episodes ng Prima Donnas walang tulak kabigin ang bawat eksenang nilang ipinapalabas. Lalo na ang mga makapigil hiningang confrontation ng mga characters gaya nila Lilian (Katrina Halili) at Kendra (Aiko Melendez). Maging ang beteranang aktres na si Chanda Romero na gumaganap bilang Lady Prima ay hindi rin nagpahuli dahil ang galing niya sa intense eksenang harapan nila ni Aiko. Mapapanga nga ka na lang talaga.
Ngayong patapos na ang teleserye hindi pa rin tinatantanan ng mga netizens ang samu’t sari nilang hula sa mga susunod na mangyayari. Kaya naman sa Youtube Channel ng GMA nagkaroon ng virtual reunion ang mga cast ng Prima Donnas. Doon nila inisa-isa ang mga haka haka ng mga netizens at sabay nagbigay ng pahayag ang bawat isa. Siyempre ang may say para magbigay ng karampatang reaksyon ay ang mismong direktor ng show na si Direk Gina Alajar. Aniya, “Hindi ko alam kung makakapagbigay ako ng spoiler at ayoko rin naman no. Sabihin na lang natin na magagaling sila, magagaling silang magbigay ng mga teorya nila sa ating show.
“Ang palagay ko mayroon ibang tama meron naman ibang mali ganoon. Kasi alam mo naman yung ating ano, alam naman nating yung show natin diba madaming nanghuhula pero lalo silang naiinis kasi mali yung hula nila dahil iba pala yung pinuntahan yung ganun. So palagay ko dapat na lang nilang antayin kung anong mangyayari talaga at lalung lalo na I’m too excited for the book 2.” Wow! Yan ang aabangan ng mga tao kung magkakaroon nga ba ng Book 2 ang Prima Donnas.
Samantala, dahil sa magkaaway ang ginagampanang papel nila Katrina at Aiko dito, paglilinaw ng huli sa totoong buhay ok raw sila ni Katrina. Giit pa ni Aiko kung sakaling magkakaroon ng Book 2 game raw siyang ituloy ang kanyang character. Yun na!