ni Ariel Avendaño
NUEVA ECIJA – Umaabot sa 55 kilo ng umano’y bloke ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P6.6 milyon ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency at ng pulisya sa isang drug courier na naaresto sa Bgy. Tayabo, San Jose City sa nasabing lalawigan, nitong Huwebes ng madaling araw.
Ang suspek ay kinilala ni Nueva Ecija Provincial Police chief Jaime Santos, na si Erwin Mariano, 21, driver, at taga-Bgy. Samoki Lingkawa, Bontoc, Mt. Province at tubong Bgy. Upper San Carlos Heights, Baguio City. Pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawang umano’y mastermind sa pagde-deliver ng suspek ng iligal na droga na nakilalang sina Sammy Damaso at isang alyas “Jayson”.
Sa imbestigasyon, pinagbentahan umano ng suspek ang isang narcotics agent kapalit ng P279,000 boodle money na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Nang halughugin ang truk ng gulay na minamaneho ng suspek ay natuklasan ang limang karton na naglalaman ng umano’y mga marijuana.
Ayon kay Santos, modus umano ng grupo na itago sa ilalim ng mga gulay ang mga droga upang makalusot sa checkpoint.
Natuklasan pa na ibinabagsak ang nasabing iligal na droga sa Metro Manila, Region 2, 3 at Cordillera Administrative Region.
Nasamsam din sa suspek ang isang Cal. 22, 62 na bala ng Cal. 22 at 9mm pistol, radio transceiver, mga ID at ang truck na may plakang NOF - 271.