ni Bert de Guzman

Nagkakaisa ang mga kongresista sa pagsuporta sa diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa bagong batas na ipinasa ng China na nagpapahintulot sa Coast Guard nito na paputukan ang mga dayuhang barko na pumapasok sa inaangking teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Kaugnay nito, hiniling ng Senate foreign affairs committee sa ilalim ni Sen. Aquilino Pimentel III kay DFA Secretary Teddy Locsin, na magsagawa ng briefing tungkol sa tunay na sitwasyon sa WPS.

Sinabi naman ni Zamboanga Sibugay Rep. Ann Hofer, chairperson ng House commitee on foreign affairs, ang aksyon ni Locsin ay nasa tamang direksiyon.

Harry Roque, itinanggi ang pagtakas: 'No hold departure order issued against me'

“Suportado ko ang aksyon ng DFA sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China hinggil sa bagong batas na may unncessary and dangeours precedents in the West Philippine Sea involving our fishermen and the Chinese coast guard,” ani Hofer.

Aniya, dapat pawalang-saysay ang bagong batas ng China hanggang maaari. “We are cognizant of China’s sovereignty in shaping its foreign policy and legislating its laws. Gayunman, ang paggamit ng puwersa ay dapat na iwasan”.

Sa panig naman ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, sinabi niyang dahil sa bagong batas ng China, dapat magkaroon ng pinag-ibayong alyansa ang Pilipinas sa US sa ilalim ni Pres. Joe Biden.