Nais ni Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao na baguhin ang disenyo ng bandila ng Pilipinas.
Ito ay nang magharap ng panukala ang senador na naglalayong dagdagan pa ng ika-siyam na sinag ng araw ang watawat ng bansa na dati ng mayroon walong sinag ng araw.
Ang nasabing panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 1984 na inihain nito noong Enero 14 at idinahilan nito na ang karagdagang sinag ay kumakatawan aniya sa Filipino Muslims na nakipaglaban sa panahon nang pananakop ng mga Kastila.
Karamihan aniya sa mga bayaning Muslim ay “hindi kinikilala” at inihalimbawa sina Lapu-Lapu at Sultan Kudarat na nanguna sa pakikipaglaban sa mga Kastila.
“Our Muslim heroes who equally struggled valiantly for our country’s independence must be given due recognition alongside with those already recognized in the most heraldic article of national importance, in the Philippine flag,” sabi pa nito.
Sa pahayag naman ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang walong sinag ay kumakatawan sa unang walong lalawigan na nakipalaban sa mga Kastila na kinabibilangan ng Manila, Bulacan, Pampanga, Cavite, Batangas, Laguna, Tarlac, at Nueva Ecija.
-Vanne Elaine P. Terrazola