Sinabi ni Senador Richard Gordon nitong Martes na dapat tanggapin ng national task force against COVID-19 at iba pang mga institusyon ang resulta ng saliva COVID-19 test na pinangasiwaan ng Philippine Red Cross (PRC) mula sa sinumang naglalakbay.
Sa isang pakikipanayam sa ANC Headstart, sinabi ni Sen. Richard Gordon na ang pamamaraang ito, na binuo sa University of Illinois, Chicago ay kinilala mismo ng Department of Health (DOH) at ng University of the Philippines Research Board for Ethics Review (UP- ERB).
Sinabi ni Gordon na kung ang swab test ay mayroong 99% accuracy rate, ang saliva test ay mayroon namang 98%, base sa isinagawa nilang pag-aaral sa mga ito.
“Pinayagan na ‘yan ng DOH, pati sa airport payag na lahat d’yan (saliva test).
“It’s almost equally accurate as the gold standard. (RT-)PCR is still the gold standard, that’s why we’re not letting it go. In our test we had about 99 percent (accuracy) sa (RT-)PCR, 98 percent sa saliva,” aniya pa.
Nilinaw ni Gordon na ang saliva COVID test ng PRC ay gumagamit pa rin ng polymerase chain reaction o PCR, na
itinuturing ng mga eksperto bilang gold standard test na kinakailangan sa mga paliparan at patutunguhan ng turista sa buong bansa. “May PCR ‘yan, hindi nawala ang PCR. We cannot do it without the PCR. Otherwise you’ll have bad results,” aniya, sa panayam sa telebisyon. Naunang inilunsad ng PRC ang saliva COVID-19 test sa mga laboratoryo nito sa Metro Manila at hangarin na ilabas ito sa buong bansa sa Pebrero 1.
Sinabi ni Gordon na ang saliva COVID-19 test ay maaari ding magamit ng mga mag-aaral, mga kumukuha ng Bar exams at maging ng mga nagtatrabaho sa mga call center. Bagaman kasalukuyang nagkakahalaga ng halos P2,000, sinabi ni Gordon na ang Red Cross ay maaaring magpababa ng presyo sa P1,500 kung mayroong malaking bulto ng testing.
-Mary Ann Santiago