Inireklamo sa Office of the Ombudsman ang magkapatid na sina Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica at Anti-Red Tape Authority Director General Jeremiah Belgica, at apat na iba pa kaugnay ng umano’y irregular application ng dredging permit ilang taon na ang nakararaan.

Bukod sa magkapatid, inireklamo rin ni Citizens Crime Watch Association Incorporated (CCWAI) President Diego Magpantay sina ARTA Deputy Director General Ernesto Perez, Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Equipment Director Toribio Noel Ilao, at dalawang pribadong indibidwal na sina Manolo at Milinia Nuezca, pawang may-ari ng Verdant Pastures Mining International Incorporated.

Hiniling ni Magpantay sa anti-graft agency na managot ang mga ito sa kasong paglabag sa Section 3(e) at (j) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), Grave Misconduct, Serious Dishonesty at Conduct Prejudicial to the Interest of Public Services.

Nag-ugat ang usapin nang lumiham sina Manolo at Milinia sa DPWD at humihingi ng tulong kaugnay ng Proposed Maculcol River Flood Control and Dredging Project at umaasang makakakuha ng positibong katugunan sa kanilang pag-a-apply para sa dredging permit, noong Disyembre 18, 2017.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Gayunman, ipinaalam ni DPWH Undersecretary for Legal Affairs and Priority Projects sa nasabing mga may-ari ng mining company na nakabinbin pa rin ang kanilang aplikasyon dahil hindi nila nakumpleto ang mga kinakailangan o requirements, noong Enero 18, 2018.

Noong Setyembre 3 ng nasabing taon, lumiham si Manolo kay DPWH Undersecretary Rafael Yabut at inireklamo ang umano’y pagkaantala ng kanilang dredging permit application.

Bilang abogado nina Manolo at Milinia sa nasabing panahon bago pa ito maitalaga sa ARTA, sinulatan ni Jeremiah si DPWH Secretary Mark Villar upang mapuwersa at mabigyan ng pabor para sa dredging permit ng Verdant company.

Naglabas naman si Perez ng “Order of Automatic Approval” ng dredging clearance kung saan pirmado niya ito sa pangalan ni Jeremiah at tanging pinagbatayan ang findings ng reklamo ni Manolo laban sa mga opisyal ng DPWH.

Gayunman, binigyang-diin ni Magpantay sa kanyang reklamo na walang nakabinbin na application para sa dreding permit ang nasabing kumpanya sa nasabing panahon.

“ARTA’s action in issuing an Order of Automatic Approval despite the absence of a pending dredging permit application was a blatant violation of DPWH Department Order No. 139, Series of 2014 and R.A. 11032 or ‘The Anti-Red Tape Act of 2007,’” ayon sa reklamo ni Magpantay.

Paliwanag ni Magpantay, hindi dapat gamitin ang Order of Automatic Approval na inilabas sa bisa ng Ease of Doing Business and Efficient Delivery Act of 2018 sa kaso ng Verdant dahil kailangan pa ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagpapalabas ng dredging permit mula sa DPWH.

Sa nasabing kaso aniya, hindi maaaring maglabas ang DENR ng ECC para sa Verdant dahil sa usapin sa “conflicting of interest”.

Sa kabila naman ng kawalan ng application para sa dredging permit o clearance, ikinonsidera naman nina Ilao at Perez ang liham ni Manolo bilang application para sa nasabing permit.

Sa partisipasyon naman ni Greco, nakibahagi ito sa fact-finding investigation sa reklamo ng nasabing mga kliyente ni Jeremiah hanggang sa magpalabas ito ng desisyon na pabor sa Verdant.

“It bears stressing that Jeremiah, who is the brother of Greco, was the lawyer of the Nuezcas prior to his appointment as ARTA Director General. Clearly, Greco’s act of participating in the fact-finding investigation despite his relationship with Jeremiah constituted a violation of the prohibition under the PACC Rules of Procedure,” ang bahagi pa ng reklamo.

-Czarina Nicole Ong Ki