INILANTAD ng COVID-19 pandemic ang ‘underfunded’ at ‘powerless’ na World Health Organization sa pagtugon sa tungkulon na inaasahan ng mundo rito, pahayag ng isang independent expert panel nitong Martes.
Iprinisinta ng mga pinuno ng Independent Panel for Pandemic Preparedness and Response ang isang ulat sa executive board ng WHO na nagsasaad na dapat sanang mas mabilis at desidido ang aksyon ng UN health body sa simula pa lamang ng pandemya upang maiwasan ang malaking pinsala.
Ngunit binigyang-diin nila na ang pagkaantala at mga kabiguan ay maaaring maikonekta sa mahinang posisyon ng UN agency, at sinabing kinakailangan dito ang dagdag na pondo at mga reporma.
“The world is more reliant on an effective WHO than ever before,” pahayag ni dating Liberian president Ellen Johnson Sirleaf, na co-chairs ng panel kasama si dating New Zealand prime minister Helen Clark.
Gayunman, pagbabahagi niya sa mga mamamahayag, ang mga bansa na bumaling sa WHO para sa pamumuno sa gitna ng krisis, “have kept it underpowered and under-resourced to do the job expected of it.”
Unang nadetekta ang COVID-19 sa central city ng Wuhan noong huling bahagi ng 2019 bago kumalat sa labas ng China at manalasa sa buong mundo, na kumitil na sa higit dalawang milyong buhay at puminsala sa mga ekonomiya.
Nahaharap ang WHO sa bintang na naging napakabagal nito sa pagdedeklara ng isang international crisis, upang kilalanin na kumakalat ang virus sa pamamagitan ng hangin , at pagrerekomenda ng pagsusuot ng face masks.
Nahaharap din ito sa kritisismo sa hindi pagdidiin si China na magbigay ng tamang impormasyon sa inisyal na mga kaso at pagpapabaya na hayaang lumipas ang higit isang taon bago makapasok ang isang international team ng mga eksperto sa China upang matukoy ang pinagmumulan ng virus.
Ngunit bagamat nabanggit din sa ulat ng panel na dapat naging mas mabilis ang aksiyon ng WHO sa simula pa lamang, binigyang-diin ni Johnson Sirleaf na “the bottom line is the WHO has no powers to enforce anything or investigate… within a country”.
“When it comes to a potential new disease threat, all the WHO can do is ask and hope to be invited in,” aniya.
‘Woeful’
Binigyang-diin din ni Clark ang mababang lebel ng pondo ng ahensiya at ang panganib ng pagsandal nang malaki sa walang katiyakang boluntaryong kontribusyon.
Ang mga kontribusyong ito ay maaaring bigla na lamang maglaho, tulad nang nasaksihan nang itigil ng United States ang pagsuporta nito, ang tradisyunal na pinakamalaking donor ng WHO.
“The funding of the WHO is woeful,” ani Clark, kasabay ng pagpunto sa pagkukumpara na ang natatanggap ng ahensiya ay mas mababa pa sa isang ospital sa New York.
“This is our global health organisation. We want it to do well, we need it to do well,” aniya, “but it has been kept on pretty short rations.”
Natuklasan din ng panel na kinakailangan din ang maingat na pagsusuri sa international alert system for health emergencies.
Inireklamo nito na inabot pa ng isang buwan para nakapagdeklara ang WHO emergency committee ng highest alert level, isang Public Health Emergency of International Concern o PHEIC, at maraming bansa ang tila hindi nabatid ang panganib ng sitwasyon.
“Pathogens can travel in minutes and hours, not in days and weeks,” saad pa ni Clark.
“The international system for alert
and response has the trappings of an analog system in the digital age.”
Agence France-Presse