ZAMBOANGA CITY – Natusta ang apat na magkakapatid na menor de edad nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Mahayag, Zamboanga del Sur, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Zamboanga Peninsula Police (PRO-9) Director Brig. Gen. Ronaldo Genaro Ylagan, ang magkakapatid na sina Gian Colanggo, 9; Njay, 8; Anthon, 7; at Christian, 4.
Sa report ng pulisya, ang insidente ay naganap sa Purok 1,
Sitio Bayanihan I, Barangay Lower Salug Daku, dakong 10:05 ng gabi.
Sa pahayag ni Ylagan, bago ang insidente ay umalis ng bahay ang ama ng mga ito na si Gil Albatera Colanggo, 43, magsasaka, at nakipaglamay sa kaanak, isang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay, dakong 9:30 ng gabi.
Ayon kay Ylagan, nang umuwi ang ama ay laking-gulat nito nang makitang tupok ang kanilang bahay kung saan natagpuan din ang sunog na bangkay ng mga anak, dakong 10:20 ng gabi
Idinagdag pa ni Ylagan, hindi naniniwala ang mga kapitbahay na makulong sa nasusunog na bahay ang magkakapatid dahil sa tindi ng init.
Posible anilang iginapos ng ilang tao ang magkakapatid at sinunog ang kanilang bahay.
Naiulat na wala sa kanilang bahay ang ina ng mga ito dahil nagtatrabaho ito sa ibang bansa.
Nagsasagawa n ang malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad sa sanhi ng insidente.
-NONOY LACSON