Malaki ang gagastusin ng pamahalaan sa pagbili ng kada dose ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na gawa ng Chinese company na Sinovac.

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa gitna ng mga kuwestyon kung bakit nagpupumilit ang gobyerno na bilhin ang Chinese-made vaccine, gayong mas murang presyo ng kada dose ng mga bakunang gawa sa Europe at Amerika.

“Fake news ‘yung kumakalat na P3,600 per dose daw ang singil ng China. Ang ating presyo, bagamat hindi pa puwedeng i-anunsiyo talaga kung ano talaga ang presyo ng Sinovac ay hindi lalayo sa presyo ng Indonesia na bandang P650 kada turok,” diin ni Roque.

Kamakailan nang ilabas ng tanggapan ni Senator Sonny Angara ang listahan ng umano’y presyo ng dalawang dose ng mga nangungunang COVID-19 vaccines.

National

OLALIA-KMU, iginiit karapatan ng mga manggagawa na makapag-unyon

Sa talaan, ang Sinovac ang pangalawa sa may pinakamahal na presyo na nasa P3,629.50. Ang bakunang gawa naman ng Novavax ang pinakamura sa P366.

Habang ang coronavirus vaccine ng AstraZeneca na binili ng halos lahat ng local govenrment unit at private sector ay nasa P610 ang presyo ng dalawang dose.

Nauna nang inihayag ni vaccine czar Carlito Galvez na sa susunod na buwan ay dadating na sa bansa ang unang 50,000 doses ng Sinovac vaccine na bahagi ng 25-million doses na kasunduang pinirmahan ng Beijing at Pilipinas.

Bagaman nakapag-pasa na ng aplikasyon para sa emergency use authorization ang Sinovac sa Food and Drug Administration, hindi pa nagsisimula ang evaluation ng ahensya dahil wala pang datos ang Phase III clinical trials ng nasabing bakuna.

-Beth Camia