Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Kamara tungkol sa plano ng gobyerno sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination upang masiguro na ang P75 bilyong budget na inilaan sa pagbili ng bakuna ay magagamit sa mabisa at ligtas na pagbabakuna.
Itinakda ng House Committee on Health sa ilalim ni Quezon Rep. Angelina Tan ang pagdinig sa Enero 18. Kabilang sina Health Secretary Francisco Duque at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., sa listahan ng mga eksperto sa kalusugan mula sa pampubliko at pribadong sektor ang inimbitahan sa public hearing.
“There have been a lot of differing opinions, mostly from non-medical experts, regarding government-procured vaccines.
As such, we would like to hear from the experts themselves to determine facts and figures from a scientific point of view,” ayon kay Tan.
Ang pagdinig ay bunsod ng mga resolusyon na ipinadala sa komite nina Tan, Parañaque Rep. Joy Tambunting (House Resolution 1227) na humihiling sa Department of Health na maglahad ng isang komprehensibong plano para sa pamamahagi ng COVID-19 vaccines.
-Bert de Guzman