Irerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad na rin ng travel ban laban sa United Arab Emirates (UAE).
Ito’y matapos na magpositibo sa severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-Cov-2) o United Kingdom (UK) variant ng virus ang isang Filipino traveler mula sa Dubai.
Anang DOH, habang hindi pa naman kasama ang UAE sa travel ban list ng Pilipinas, nagsasagawa na rin anila ang pamahalaan ng “pro-active stance” at isasailalim ang mga biyahero mula sa nasabing bansa sa genome sequencing.
Anila, iaaplay din nila sa UAE ang mga kahalintulad na protocols para sa mga bansa na nagkumpirmang nakapagtala na sila ng UK variant.
Nitong Miyerkules, kinumpirma ng DOH at ng Philippine Genome Center (PGC) na na-detect na nila sa Pilipinas ang B117 SARS-CoV-2 variant o UK variant, mula sa samples ng isang Pinoy na bumiyahe sa UEA noong Disyembre at umuwi sa bansa nitong Enero 7.
Inilarawan ni DOH Secretary Francisco Duque III, ang pasyente na isang 29-anyos na lalaki, at taga-Kamuning, Quezon City.
Nagtungo umano ito sa Dubai para sa isang business trip at umuwi sa Pilipinas sakay ng Emirates Flight No. EK 332.
Kaagad siyang isinailalim sa swab test at isinailalim sa quarantine pagdating sa bansa.
May kasama umanong babae ang pasyente sa naturang biyahe, ngunit nagnegatibo ito sa virus.
Gayunman, naka-isolate na rin umano ito at maging ang mga taong tumulong sa kanila sa paglipat mula sa barangay isolation facility patungo sa city government quarantine facility.
-MARY ANN SANTIAGO