Hinamon ni Senator Risa Hontiveros si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at mga pinuno ng task force against COVID-19 ng pamahalaan na isapubliko ang kanilang contingency plan sa gitna ng napaulat na nasa Pilipinas na ang bagong coronavrius disease 2019 (COVID-19) variant.
“Hindi puwedeng maging in denial sa banta ng bagong COVID-19 variant. Ang bagal na nga ng vaccine procurement natin, humina pa ang testing at laboratory operations natin. We can’t go back to square one,” giit ng senador.
Inihayag ng senador na mahalaga ang paghahanda ng mga ospital sa buong bansa para sa “worst-case scenario” dahil maaari aniyang maging ‘game changer’ ang bagong COVID-19 variant na nauna nang natuklasan sa United Kingdom at posibleng ikamatay pa ng marami.
“Tapos na ang 2020, pero hindi tapos ang pandemya. Handa ba ang mga ospital natin kung bigla na lang tumalon ang mga kaso natin to 300,000 a month? That’s almost all our 2020 infections in a single month. Tigilan na ang complacency,” panawagan nito. Dapat aniyang maglabas kaagad ang mga mambabatas ng contingency plan sa gitna ng ulat na maaaring nasa bansa na ang nabanggit na variant ng virus.
Posible rin aniyang nagkaroon na ng “missing cases” dahil naging maluwag aniya ang paghihigpit ng bansa kontra sa nasabing sakit dahil sa tagal ng panahong walang pasok nitong nakaraang taon.
“This is extremely worrisome because it means there is an increase in infections going undetected. Hindi magic bullet ang bakuna para sa pandemya. Lalo na at mabilisang mag-mutate ang coronavirus,’ aniya.
“Kay Sec. Duque at sa napakadaming COVID czars, huwag na nating ulitin ang nangyari last year noon hindi tayo naghanda dahil akala ng lahat ay tatlo lang ang kaso ng COVID-19 kasi hindi tayo nagte-test ng maayos. Yun pala, kalat na kalat na,” dagdag pa ng senador.
-HANNAH TORREGOZA