Pinusuan ng mga netizen ang Facebook post ni Andriana Joy F. Nepacina, isang Atenista, graduate ng Bachelor of Science in Legal Management at scholar ng Ateneo College Scholarship ng Ateneo de Manila University Class of 2026, matapos niyang bigyang-pugay ang tatay niyang cotton candy vendor, na nagtaguyod sa kanilang pamilya at naging dahilan ng kaniyang pagtatapos.
Sa Facebook post noong Hunyo 22, ibinahagi ni Nepacina ang kuwento ng kaniyang amang si Amorlito "Kuya Amor" Nepacina, na kilala sa pagtitinda ng cotton candy sa mga lansangan ng Antipolo at sa paligid ng seminaryo. Ayon sa kaniya, sa kabila ng init ng araw, ulan, at pagod, hindi niya kailanman narinig ang kaniyang ama na magreklamo tungkol sa hirap ng buhay.
"Kilala si papa ng marami bilang 'Kuya Amor,' ang nagtitinda ng cotton candy sa mga kalsada ng Antipolo at sa paligid ng seminaryo," mababasa sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Hunyo 22, isang araw matapos ang pagdiriwang ng Father's Day.
"Minsan sa ilalim ng tirik na araw, minsan naman kahit malakas ang ulan. Kahit pagod na pagod na siya, hindi ko kailanman narinig siyang magreklamo sa hirap ng buhay."
Ibinahagi rin niya na ang bawat panindang cotton candy ay hindi lamang simpleng produkto kundi naging daan upang mapakain ang kanilang pamilya, maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, at maabot ang kanyang mga pangarap.
"Habang lumalaki ako, mas naiintindihan ko kung gaano kabigat ang mga sakripisyong dala ng bawat supot ng cotton candy na naibebenta niya."
"Hindi lang pala ito simpleng paninda, ito ang naging daan para mapakain kami, mapag-aral ako, at maipagpatuloy ko ang mga pangarap ko," dagdag pa niya.
Dahil sa sipag at tiyaga ng kanyang ama, natuto rin siyang mangarap nang malaki at magsumikap sa kabila ng mga hamon sa buhay. Aniya, naging inspirasyon niya ang araw-araw na pakikipagsapalaran ng kaniyang ama upang itaguyod ang kanilang pamilya nang marangal.
Para kay Nepacina, ang kaniyang diploma ay hindi lamang bunga ng sariling pagsisikap kundi simbolo rin ng lahat ng pagod, sakripisyo, at pagmamahal ng kanyang ama.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe para sa Father's Day, inilarawan niya ang kaniyang ama bilang isang tunay na bayani.
"Papa, itong diploma ay hindi lang para sa akin. Para rin ito sa lahat ng taon ng pagod, sakripisyo, at pagmamahal na ibinigay mo nang walang hinihinging kapalit."
“Hindi lahat ng bayani may kapa. Ang sa akin, may kariton ng cotton candy at may sipag bilang puhunan,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa Ateneo de Manila University at sa Office of Admission and Aid sa pagbibigay sa kaniya ng scholarship na naging tulay upang maabot ang kaniyang pangarap at mabigyan ng mas magandang buhay ang kaniyang mga magulang.
Maki-Balita: Saludo! Tatay na nagtitinda ng cotton candy, nakapagpatapos sa Ateneo
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Andriana, ibinahagi niyang nag-iisa lang siyang anak, at ang nanay naman niya ay isang plain housewife.
"Only child lang po ako, kaya I really consider myself as the last card, and the only card, of the family," saad ni Andriana.
"My mom is a housewife po ngayon. Dati po siyang staff sa isang private school, pero tumigil siya sa pagtatrabaho noong ipinanganak ako para makapag-focus sa pag-aalaga sa akin," paliwanag pa niya.
Kasing-edad daw niya ang tagal ng panahong nagtitinda ng cotton candy ang kaniyang tatay. Pero aniya, may full-time job noon ang kaniyang ama subalit na-retrench ito, kaya sumabak na sa pagtitinda.
"Twenty-three years na po, to be exact (kaedad ko po). Honestly, nagsimula pong magtinda ng cotton candy si Papa noong ipinagbubuntis pa lang ako ni Mama. Yung perang ginamit nila pampagawa ng kariton ay galing pa sa maternity leave pay ng mom ko. Kaya kung tutuusin, ako po talaga ang root ng cotton candy business namin," saad niya.
"Aside from selling cotton candy, naging school janitor din po siya for almost 25 years noon, at sideline niya lang talaga ang pagtitinda. Pero nung na retrench po siya sa work dahil sa pandemic, naging full time cotton candy street vendor na po siya."
Inilarawan din niya kung anong tipo ng tatay si Mang Amor.
"As a father, he is very quiet and rarely talks, but you can always feel his love. Sobrang selfless niya po. If I were to describe him through a Filipino saying, siguro po ay, 'Isusubo na lang niya, ibibigay niya pa.' Napakasipag po niya, at hindi mo siya maririnig na nagrereklamo sa hirap ng buhay."
Bakit nga ba sa Ateneo siya nag-aral? Aniya, dream school niya ang nabanggit na pamantasan. Mapalad namang nagkaroon siya ng scholarship dito, kaya kahit paano, nakatulong sa pag-aaral niya.
"Dream school ko po talaga ang Ateneo kahit suntok sa buwan ito para sa mga taong katulad ko. I was a huge fan of Alyssa Valdez po during UAAP Season 76, at doon po nagsimula ang pangarap ko na makapag-aral sa Ateneo. Sumali rin po ako noon sa mga fan clubs ng Ateneo Women's Volleyball Team players."
"Nag-apply po ako sa limang universities para sa college. Apat po doon ay state universities, at isa lang ang private (Ateneo). Nakapasa po ako sa lahat, at dahil nabigyan ako ng Financial Aid Scholarship ng Ateneo, I decided to take the opportunity na po."
"Honestly, may backstory po diyan. Noong sinabi ko sa mom ko na gusto kong mag-apply sa Ateneo, may ₱600 application fee po noon. Panahon pa po iyon ng pandemic, kaya hirap din kami dahil hindi makapagtinda si Papa dahil sa lockdown. Ang una pong sinabi sa akin ni Mama ay, 'Saan tayo kukuha ng ₱600? Kahit naman makapasa ka diyan, hindi ka namin kayang pag-aralin diyan.' Pero nagpumilit po ako at kinumbinsi ko si Mama. Nag-ipon po kami para sa application fee, at iyon po ang naging simula ng journey ko sa Ateneo," aniya pa.
Inilatag din ni Andriana kung ano na ang mga susunod niyang plano ngayong nakatapos na siya ng pag-aaral.
"My ultimate goal is still to become a lawyer. However, due to financial constraints, I decided to work first. Fortunately, I was able to secure a job offer even before graduation, and I will be starting next week na po."
"For now, I plan to save money while working, and eventually, ako na po ang magpapaaral sa sarili ko sa law school after two years," aniya.
Nag-iwan naman siya ng mensahe sa mga kagaya niyang estudyanteng may katulad niyang sitwasyon; na kahit tila imposible, nagawa niyang maabot ang pangarap niyang makapag-aral sa dream school sa kabila ng limitadong resources.
"Sa mga kapwa ko estudyante na nangangarap at gustong makaahon sa hirap ng buhay, huwag kayong matakot at lakasan lang ang loob."
"Take every opportunity that life offers you. Gaya nga po ng mantra ko, 'What’s meant for you will always find you.'
"Do it scared. Do it with doubt. Kapag may scholarship, apply lang nang apply. Hindi hadlang ang kahirapan sa taong masipag, determinado, at may pangarap. Do it for all the people who believed in you, but most importantly, do it for yourself," aniya pa.
Congratulations, Andriana!