Sinibak na sa puwesto ang isang babaeng pulis kaugnay ng walang pakundangang pagpapaputok ng baril sa pagsalubong nito ng Bagong Taon sa Malabon City, nitong Biyernes.
Sa panayam, sinabi ni Malabon City Police chief, Col. Angela Rejano, na bukod sa pagkakatanggal sa posisyon, wala rin umanong matatanggap na benepisyo si S/Sgt. Karen Borromeo, nakatalaga sa Malabon Police.
Naaresto si Borromeo nang ituro ng ilang concerned citizen dahil sa 14 beses na pagpaputok ng service firearm nito na cal. 45 pistol sa kanilang lugar sa Bgy. Ibaba.
Sa imbestigasyon, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Borromeo at ang kanyang kasintahan na nag-udyok sa kanya upang magpaputok ng baril.
Nahaharap na ngayon si Borromeo ng kasong grave misconduct at illegal discharge of firearm. Tiniyak din ni Rejano na hindi nila bibigyan ng VIP treatment si Borromeo.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Borromeo.
Orly Barcala