MAS lalong pang masasabik ang fans ng Pinoy Big Brother dahil sinimulan nang ipakilala ang 14 official housemates ngayong season sa Kumu, It’s Showtime, at TV Patrol bago pa ang kick-off ng PBB Connect sa Linggo (Disyembre 6).
Simula noong Lunes, ilalantad na ang mga mukha at pangalan ng mga housemate na magpapasilip sa kanilang personalidad, talento, at kuwento ng buhay sa mga programang ito na mapapanood sa TV at online. Una nang nakilala sina Andrea Abaya, “Ang Cheerdance Sweetheart ng Paranaque” at si Justin Dizon, “Ang Courageous Cabalen ng Pampanga.” Nitong Disyembre 1, nakilala na ang nasa likod ng “Charming Striker ng Paranaque” at “Kwelang Fangirl ng Sarangani.”
Handa na ring magpakilala sina “Single Momshie-kap ng Bataan,” “Striving Footballer ng Cebu,” “Ra-kweentera ng Quezon,” “Alluring Accountant ng Australia,” “Shy Biker Boy ng Butuan,” “Bunsong Boksingero ng General Santos City,” “Miss Malakas ng Misamis Oriental,” “Military Son ng Palawan,” “Makatang Marikit ng Pangasinan,” at “Dong Diskarte ng Zamboanga Del Sur.” Pumasa sila lahat sa medical, psychological, at COVID-19 exams para maging opisyal na housemate ngayong season.
Sila ang napili mula sa mahigit 177,000 na nag-audition sa Kumu mula sa buong mundo. Una na silang ipinakilala sa digital show na PBB Kumulitan kasama ang isa sa hosts ng PBB Connect na si Robi Domingo at ang mga dating ring housemate na sina Kiara Takahashi, Shawntel Cruz, Jem Macatuno, Lie Reposposa, at Gino Roque IV.
Ang mga nabanggit ang lumikha at umawit ng Connected Na Tayo, ang official soundtrack ng “PBB Connect.” Nasa YouTube at Facebook na ang lyric video ng kantang ito na nagawa nila maski magkakahiwalay dahil sa pandemya.
“Kahit magkakalayo-layo kami, si Shawntel that time nasa Baguio, si Jem sa Pampanga, magkasama kami ni Lie, pero connected pa rin talaga kami doon sa song,” pahayag ni Kiara.
Subaybayan ang nalalapit na pagbubukas ng Bahay ni Kuya ngayong Linggo (Disyembre 6), na mapanood sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng PBB.
-MERCY LEJARDE