WALANG duda na si Terence Crawford ang ‘pound for pound’ King sa kasalukuyan. At karapat-dapat lamang na isang tunay na matikas na fighter sa katauhan ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang mailista na sunod niyang makakasagupa.
Mismong si Bob Arum, may hawak sa career ng 33-anyos world champion, ang nagkumpirma na walang ibang haharapin sa susunod na laban ni Crawford kundi ang tinaguriang ‘Peoples Champ’.
“The money is already there. Crawford and Pacquiao are going to fight in the Middle East. The fight was only held because of the pandemic. We are going to resume negotiations,” pahayag ni Arum sa post-match interview sa matagumpay na panalo ni Crawford nitong Sabado (Linggo) sa Manila.
“Spence (Errol) don’t want to fight. We already talk with Pacman group. It’s almost done,” ayon kay Arum.
Ang American boxing hall-of-famer (promoter) ang dating may hawak sa career ni Pacquiao bago itinatag ng Pinoy champion ang sariling MP Promotions na pinangangasiwaan ni Sean Gibbons.
Pinatunayan ni Crawford na siya ang premyadong welterweight champion sa kasalukuyan nang pabagsakin sa 4th round si dating IBF welterweight champion Kell Brook para mapanatili ang WBO title sa The Bubble ng MGM Grand Hotel & Casino sa Las Vegas.
Nakuha niya ang panalo may 1:14 sa 4th round.
Matikas na nakihamok ang Briton na si Brook sa kabuuan ng laban, ngunit sadyang mabilis at malakas si Crawford na nagsimula sa istilong orthodox bago pumihit sa pagiging southpaw.
Napanatili ni Crawford na malinis ang marka sa 37, tampok ang 28 knockout, habang nakamit ni Brooks ang ikatlong kabiguan sa 39 laban – kontra sa mga premyado at dekalidad na fighters tulad nina Gennady Golovkin at Errol Spence, Jr.