May 22, 2026

Home BALITA National

Napakalaking utang ng Pilipinas, namana ni PBBM kay FPRRD—Usec. Castro

Napakalaking utang ng Pilipinas, namana ni PBBM kay FPRRD—Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM/YT, Bongbong Marcos/FB, Rody Duterte/FB


Tahasang inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na namana umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang napakalaking utang mula sa nakaraang administrasyong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng ulat ng Bureau of Treasury (BTr), kung saan isiniwalat nilang lumobo na ang utang ng bansa sa ₱18.49 trilyon noong Marso 2026.

MAKI-BALITA: Record high! Utang na Pilipinas, pumalo na sa ₱18.49 trilyon!-Balita

Sa pakikipanayam ni Usec. Castro sa media nitong Biyernes, Mayo 8, nabanggit niya rin ang kaugnayan ng nasabing utang sa usapin ng Pharmally at umano’y ghost projects sa programang “Build, Build, Build” ni FPRRD.

“Ngayon, kung mayroon tayong mga pagkakautang ito’y normal naman sa ibang bansa para maibigay na tulong sa ating mga kababayan,” panimula ni Usec. Castro.

Aniya, “...at tandaan po natin, lumaki ang utang hindi po sa panahon ngayon lamang—lumaki ang utang dahil namana po ni Pangulong Marcos Jr. ang napakalaking utang na nakuha ni dating Pangulong Duterte.”

“...at ito’y napabayaan diumano dahil sa mga pang-aabuso sa Pharmally at sa mga ghost projects noon ng Build, Build, Build,” dagdag pa niya.

Sa parehong panayam, binira rin ng press officer ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y hindi pagtatrabaho ni PBBM.

MAKI-BALITA: Castro, binira si VP Sara sa umano'y 'di pagtatrabaho ni PBBM; sinita 'pagbabakasyon' nito-Balita

Ipinagdiinan niya rin ang kawalan umano ng tulong ng Pangalawang Pangulo sa ginaganap ngayong 48th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Cebu.

MAKI-BALITA: Usec. Castro, ipinagdiinang walang tulong si VP Sara sa 48th ASEAN Summit-Balita