Umabot sa panibagong pinakamataas na antas ang kabuuang utang ng pamahalaan ng Pilipinas matapos pumalo sa ₱18.49 trilyon noong Marso, ayon sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr) nitong Miyerkules, Mayo 6, 2026.
Mas mataas ito ng halos ₱330 bilyon o katumbas ng halos 2% kumpara sa ₱18.16 trilyon na naitala noong Pebrero, na siya ring naunang record.
Ayon sa BTr, malaking bahagi ng pagtaas ay nagmula sa pag-akyat ng domestic debt na umabot sa ₱12.53 trilyon.
“In particular, domestic debt rose to ₱12.53 trillion, up by ₱55.4 billion or 0.44 percent from the previous month, mainly due to net issuance of government securities amounting to ₱46.72 billion,” pahayag ng BTr.
Ipinaliwanag din ng ahensya na patuloy ang paghiram ng pamahalaan sa loob ng bansa sa pamamagitan ng paglalabas ng government securities upang matustusan ang mga gastusin at obligasyon nito.
Samantala, nakaambag din sa paglaki ng utang ang paghina ng piso laban sa dolyar noong Marso. Nasa ilalim umano ng pressure ang lokal na pera habang lumalakas ang US dollar, dulot ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.
Noong Marso 19, unang lumampas sa P60 kada dolyar ang piso, at lalo pa itong humina hanggang umabot sa ₱60.69 pagsapit ng katapusan ng buwan.
Patuloy na binabantayan ng mga ekonomista ang galaw ng utang ng bansa at palitan ng piso at dolyar, dahil may epekto ito sa kabuuang kalagayan ng ekonomiya at sa kakayahan ng pamahalaan na makabayad sa mga obligasyon nito.