Siyam ang naiulat na namatay, kabilang ang isang pamilya, matapos na matabunan ng gumuhong lupa sa Baggao, Cagayan at Banaue, Ifugao nitong Huwebes at kahapon ng madaling araw, ayon sa pagkakasunod.

Sa Bitag Grande sa Baggao, apat sa isang pamilya ang natabunan ng gumhong lupa dakong 2:00 ng madaling araw, kahapon, ayon kay Baggao Police chief, Capt. Reynaldo Viernes.

Natagpuan na lamang aniya ang bangkay ng apat sa Sitio Tueg, kahapon dakong 7:00 ng umaga.

“Natabunan ang kanilang bahay ng makapal ng lupa nang gumuho ‘yung sa taas nila at hindi na rin nila magawang makatakbo ba sa bilis ng pagguho,” pahayag ni Viernes.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Kinilala ang mga ito na sina Frank Jay Pagulayan, 19, binata; King Jim Bragasin, 18, binata; Ian Philip Pagulayan, 17, binata at Virginia Bautista, 60, biyuda at pawang taga-Sitio Tueg, Bitag Grande.

Sinabi ni Viernes na bago ang insidente, pinaki-usapan ang mga residente sa lugar na lumikas dahil sa posibleng landslides bunsod ng patuloy na pag-ulan.

“Sila ‘yung hindi naka-evacuate at sila pa ‘yung natapatan ng pagguho na maglola,” ayon kay Viernes.

Umabot muna ng limang oras bago narekober ang bangkay ng apat.

“Nakuha na ang mga bangkay ng mga biktima bago pa kami makarating at mukhang minadali nila para mailigtas sana ngunit nabigo ang mga ito na may mailigtas pa,” paliwanag pa ni Viernes.

Limang katao naman ang binawian ng buhay nang mahukay ang mga ito sa isang two-storry house sa gilid ng kalsada sa Sitio Nabitu, Viewpoint, Banaue, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Brig. Gen. R’win Pagkalinawan, regional director ng Police Regional Office-Cordiilera, ang mga ito na sina Joel Chur-ig, driver ng Department of Public Works and Highways, taga-Batad, Banaue, Ifugao; Lance Bruce Guinyang, 3, taga-Viewpoint, Banaue; Dante Boqueng, taga-Cambulo, Banaue; Johnny Cabbigat Duccog, taga-Chango, Viewpoint, Banaue, at Jose Piog, 71.

Aniya, ang lima ay kabilang sa 12 katao sa loob ng two-storey house na pag-aari ni Bresler Tucdaan at habang nagka-kape ay biglang bumagsak ang buong bahay sa may lalim na 100 metro, dakong 1:30 ng gabi.

-LIEZLE BASA-IÑIGO at ZALDY COMANDA