MAS lalong dama ang kawalan ng ABS-CBN sa radyo at free TV tuwing may kalamidad. Ito ang napatunayan nang mag-trending ang ABS-CBN sa Twitter noong Nobyembre 1 sa kasagsagan ng pananalasa ni Bagyong Rolly.Sigaw ng mga netizen, malaki sana ang maitutulong ng dating pinakamalaking network sa bansa sa paghahatid ng impormasyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga nakatira sa malalayo at liblib na lugar na tanging ABS-CBN Regional lang ang nakaaabot noon.Mismong si dating bise-presidente Jejomar Binay ay nagpahayag ng kanyang saloobin sa isyu. Ipinakita raw ng bagyo ang kahalagahan ng media sa panahon ng kalamidad. Dagdag niya, malaking butas ang iniwan ng ABS-CBN matapos ipatigil ang pagbo-brodkast nito.“Sadly, the closure of ABS CBN, including its radio and regional network, has left a noticeable void that has yet to be filled by the other networks,” sabi niya sa nilabas na statement.
Isang aral daw ito para sa lahat kung paano ang isang desisyong politikal ay may malaking epekto sa buhay ng ordinaryong Pilipino.Maski may mga isyu dati si Binay sa pagbabalita tungkol sa kanya ng ABS-CBN, isa siya sa mga sumuporta sa pagre-renew ng prangkisa nito. Sa katunayan, nag-presinta pa siyang coordinator sa Makati ng “Pirma Kapamilya,” isang kampanyang may hangaring makalikom ng pitong milyong pirma upang mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN sa pamamagitan ng “people’s initiative.”Dalawa pang prominenteng pangalan na nagpahiwatig ng kahalagahan ng ABS-CBN sa panahon ng sakuna sina dating COMELEC official Goyo Larrazabal at ang dating consultant ng Inter-Agency Task Force ng gobyerno para sa COVID-19 na si Dr. Tony Leachon.“You know what could have helped disseminate information about the incoming storm and how to get ready for it? @ABSCBNNews But they were denied a franchise... So now many people are in the dark..,” ani Goyo sa kanyang post na nakatanggap ng 6.8K na likes at 1.5K na retweets.Paglilinaw niya, mas maganda raw kasi kung mas maraming pagkukuhanan ng balita. ‘Yun din ang naging punto ni Dr. Leachon. Sabi pa ng respetadong doktor, “over communication saves lives.”Samantala, kasabay ng buhos ng ulan at bugso ng hangin ang pagbaha ng pasasalamat ng mga netizen sa ABS-CBN News na maski walang prangkisa ay buong pwersa pa rin ang pagbabalita tungkol sa Bagyong Rolly Special Coverage sa TeleRadyo at ANC sa TV, at sa news.abs-cbn.com at social media naman sa online. Maging sa Kapamilya Channel ay may mga advisory rin tungkol sa sitwasyon sa iba-ibang parte ng Pilipinas.Sabi sa Twitter nina @itsdaryllsworld at @Rudolphian16, talagang isinasabuhay ng ABS-CBN ang slogan nitong “In the Service of the Filipino.” Nagpasalamat naman si @PLongkiao sa “good update” na hatid ng ABS-CBN News, habang na-appreciate naman ni @yeppudakanie na nakapag-organize pa ito ng special coverage.Nabawasan man ng tao dahil sa naganap na retrenchment sa ABS-CBN News matapos hindi bigyan ng prangkisa ang network, hindi pa rin natinag ang mga mamamahayag ng Kapamilya network sa pagbabalita kahit pa may pandemya. Sila rin ang katuwang ng Sagip Kapamilya sa pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong pamilya.
-MERCY LEJARDE