DUMAGSA ang mga Pinoy mula sa iba’t ibang bahagi ng mundio na nagbabakasakali sa Pinoy Big Brother (PBB) Connect online auditions sa livestreaming app na Kumu.
Kahapon (Oktubre 29), umabot na sa 135,870 ang audition entries, habang 76,704 naman ang aspiring housemates na nagbahagi ng kanilang mga talento at kuwento ng buhay upang sila ay makapasok sa bahay ni Kuya. Ito na ang pinakamalaking bilang ng auditionees sa kasaysayan ng sikat na reality show ng ABS-CBN.
Lalo pang nadama ang pananabik at suporta ng sambayanang Pilipino sa PBB, matapos umani kaagad ng 1.3 milyon na diamonds ang unang livestream nito ng “PBB KUMUnect,” isang palabas sa Kumu tampok ang audition entries ng aspiring housemates. Ang diamonds ay virtual na regalo sa Kumu na ibinibigay ng manonood sa isang streamer.
Bukod diyan, nakakuha rin ang unang live ng “PBB KUMUnect” ng 526,400 likes habang 127,300 naman ang tumutok sa livestream. Marami pang sorpresa at pakulong mapapanood tuwing 5 pm sa opisyal na Kumu account ng “PBB” (PBBABS-CBN), maging sa iba-ibang social media accounts nito.
Samantala, tuloy pa rin ang online auditions sa Kumu para maging isa sa 12 bagong housemate ni Kuya hanggang Nobyembre 11. Payo ni ABS-CBN entertainment production head Laurenti Dyogi, kailangan lang magpakatotoo ng mga gustong sumali.
“Make sure that it’s an authentic way of presenting yourself. Kasi kung hindi ‘yun ang totoong pagkatao mo, malalaman at malalaman namin ‘yan,” aniya sa isang panayam ng ABS-CBN News.
Hangarin ng ABS-CBN at ng Kumu na magbigay pag-asa at pagtibayin pa ang koneksyon ng mga Pilipino lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng PBB Connect. Mapapanood ito sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z channel 11, at via livestreaming sa Kumu.
-MERCY LEJARDE