Sa layuning makinabang ang mahihirap na pamilya sa murang kuryente sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, pinagtibay ng House Committee on Energy nitong Biyernes ang panukalang batas na mag-aamyenda sa Republic Act 9136 (Electric Power Industry Reform Act o EPIRA) upang palawigin pa ng 10 taon ang implementasyon ng lifeline rate nito.
Ginawa ang pagpapatibay sa isang online meeting na pinamunuan ni Vice-Chairman at Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo.
Pinalitan ng aprubadong panukala ang pinag-isang House Bill 7059 na akda ni PHILRECA Party-list Rep. Presley de Jesus at ng House Bill 7341 ni Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian.
Sa pag-aamyenda sa EPIRA, maluluwagan ang mga mahihirap na pamilya na matamasa ang “affordable access to electricity especially during the COVID-19 pandemic.”
Samantala, ipinasya ng komite na lumikha ng isang Technical Working Group (TWG) para talakayin pa ang HB 7060 na inakda ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc.
Isinusulong ng panukala ang paggamit ng tinatawag na “microgrid systems” para sa elektripikasyon ng hindi naseserbisyuhan at kulang sa serbisyo ng kuryente na mga lugar, lalo na sa kanayunan.
Sa instruksiyon ni Speaker Lord Allan Velasco, tinalakay pa rin ang probisyon sa komposisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa inihaing panukalang batas na ipinalit sa House Bill 2099 na inakda ng Speaker at ng House Bill 2427 na akda naman ni Quezon City Rep. Alfred Vargas.
-BERT DE GUZMAN