Hiniling ng mga mambabatas na tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos magpalabas ng tagong pagbabanta ang spokesman nito laban sa aktres na si Liza Soberano
Kabilang sina Rep. Carlos Zarate at Rep. Ferdinand Gaite ng Bayan Muna Party-list, sa nagmungkahi sa mga senador na alisan ng pondo ang anti-communist task force at ibigay na lang ang budget nito sa healthcare, trabaho at ayuda sa mga manggagawang apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“We have here a task force that is only spreading lies, disinformation and fake news that would be funded by around P19 billion of taxpayers’ money that could have been allocated to fighting the COVID pandemic, give aid to those left jobless by the pandemic and help our agriculture,” ani Zarate.
Ang realignment ng P16.44 bilyon mula sa anti-communist task force para sa health at social services, ay kabilang sa mga susog ng Makabayan bloc, sa P4.5-trillion national budget para sa 2021.
Para sa kanila, ito ay maituturing na “pork barrel fund” na nagbibigay ng laya sa task force kung paano ipamamahagi sa mga barangay.
“Tanging ang Kongreso lang ang may kapangyarihan sa purse o pera, dahil dito hindi namin papayagan na isang task force lang ang magdidikta kung saan at kailan gagamitin ang napakalaking “unitemized and discretionary lump-sum,” saad sa liham ng Makabayan bloc sa House Committee on Appropriations.
Ang anti-communist task force ay may rekord o kasaysayan sa red-tagging o pagbibintang sa mga indibidwal bilang mga prente ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Sa pinakahuling aksyon ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., spokesman ng task force, inakusahan niya ang Women’s Party Gabriela bilang prente o front ng underground communist women’s organization Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan.
Bukod kay Soberano, pinagbantaan din umano ni Parlade sina Miss Universe Catrional Gray at actress Angel Locsin. Itinanggi ito ni Parlade.
-Bert de Guzman