Hindi raw muna magsasampa ng kaso, sa ngayon, si dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor laban kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Sa kabila ito ng isinumiteng qualified human trafficking na non-bailable case ng NBI noong Biyernes, Hunyo 26, 2026, laban kay Defensor, kaniyang misis na si Julie Rose Defensor, at kanilang mga anak na sina Michaela at Miguel Gabriel Defensor.
KAUGNAY NA BALITA: Mike Defensor, itinapal mukha ni NBI Dir. Matibag sa aso: 'Good job, Mati-Pug!'
Sa naging pahayag ni Defensor sa panayam sa kaniya ng media sa gitna ng ikinasang kilos-protesta ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Martes, Hunyo 30, sinabi inyang sa tamang panahon na lang daw siya magsasampa ng kaso laban kay Matibag dahil hindi naman daw siya mananalo ngayon.
“Sa tamang panahon. Hindi ka naman mananalo sa kaniya ngayon,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi ko nga siya kinakasuhan. Nagreklamo nga [kami] kasama no’ng 18 marines, kami pa ang inimbestigahan. Hindi mo maintindihan [kung] bakit ganoon.”
Ani Defensor, naiintindihan daw niya na parte ng politika umano ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya ngunit tila raw malabo para sa kaniya ang dahilan sa pagbabalewala nila Matibag sa institusyon ng NBI at mabastos daw ito.
“Naiintindihan ko, politika, pero hindi ko maintindihan para ibalebaliwala nila ‘yong institusyon ng National Bureau of Investigation para bastusin,” patutsada niya.
Giit pa niya, “Hindi ‘yong mga NBI, ha, kundi si Atty. Matibag para gawin niya ‘yon sa ahensya at ipahiya rin ‘yong kaniyang mga kawani.”
Tirada ni Defensor, marami na raw ang galit kay Matibag batay sa mga natatanggap niyang mga tawag at mensahe.
“Marami sa kaniya, galit na talaga. Tumatawag at nagmemensahe sa akin,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, pahayag, o reaksyon si Matibag kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Defensor, atbp Duterte supporters naispatan sa White Ribbon Movement
KAUGNAY NA BALITA: Matibag sa pagtawag ni Defensor na 'bobo' at 'tanga': 'Very unfair naman!'